Bagay na Pwedeng Gawin Kapag Hindi Makatulog #281
Pumunta sa search box ng Facebook. Hanapin ang profile ng mga taong minsang ginusto, inibig, o ginustong ibigin. Basahin ang mga wall posts niya o kaya ay tingnan ang mga profile pictures. Pwede ring tingnan ang tagged photos. Kung sadyang hindi sapat ang pagtingin lang, tingnan ang mga ito sa saliw ng mga kantang angkop sa nararamdaman (halimbawa, I Never Really Loved You Anyway ng The Corrs o I Just Don’t Love You No More ni Craig David). Pansinin kung paanong ang kanyang ngiti sa bawat larawan ay hindi katulad ng ngiting iyong naaalala. Maaari ito ay dahil sa matagal na mula nang huli kayong magkita o di kaya’y matagal na mula noong huli mo siyang maalala. Maaari rin namang iba ang ngiting iyong naaalala — isang ngiting ikaw lamang ang nakakita — pero wag masyado paasahin ang sarili, wag masyadong bigyang kahulugan ang mga bagay na minsan ay sinungaling — mga bagay na tulad ng alaala. Mas mabuting pansinin kung paanong ang kanyang buhay ay ayos lang kahit wala ka, masaya pa rin naman kahit wala ka. Gawin itong inspirasyon para hindi muling bumalik sa nakaraan. Kung contact mo siya sa Facebook pero hindi naman na talaga kayo magkaibigan ay pwede mo sigurong burahin siya mula sa iyong contact list, pero bago ito gawin ay mainam itong pag-isipan. Dalawa ang maaaring mangyari pagkatapos itong subukang gawin. Maaring makatulog dala ng pag-iyak sa sobrang kalungkutan habang pinagtatakhan ang pagiging mailap ng pag-ibig o ‘di kaya’y makatulog dala ng labis na pag-gaan ng loob habang nagpapasalamat na hindi kayo nagkatuluyan. Ulit-ulitin hanggang sa maubos ang contacts sa Facebook. Ulit-ulitin hanggang mahanap mo siya. Ulit-ulitin hanggang bumalik siya. Ulit-ulitin hanggang masiguradong kaya mo nang mabuhay nang mag-isa.